Patay ang dalawang mag-aaral, at 10 pa ang sugatan nang araruhin sila ng isang pick-up truck habang naglalakad sa gilid ng kalsada sa Salcedo, Eastern Samar. Ang driver ng sasakyan, nakaidlip umano.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing pauwi na ang mga estudyante ng Salcedo Vocational High School nang mangyari ang insidente noong Miyerkules sa Barangay Naparaan.

Ayon sa pulisya, idinahilan ng driver ng sasakyan na si Manuel Waniwan, na nakatulog siya habang nagmamaneho kaya nabundol ang mga biktima.

Sinabi naman ng Department of Education Eastern Samar Division na nasa edad 17 hanggang 19 ang mga biktima.

Kinilala ang nasawing estudyante na sina April Macajeto, at Reby Garcia.

Sinampahan si Waniwan ng mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide and multiple serious physical injuries. --FRJ, GMA Integrated News