Dinala sa ospital ang isang batang dalawang-taong-gulang kasama ang kaniyang ina, at isa pang babae, nang madiskaril ang sinasakyan amusement ride sa Masinloc, Zambales.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV sa Unang Balita nitong Miyerkules, kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Carla Mae Calbonge, ang ginang na si Rodelina Ulao, at ang kaniyang dalawang-taong-gulang na anak na lalaki.
Ayon kay Police Major Jonathan Bardahe, hepe ng Masinloc Police station, nagtamo ng mga sugat sa bibig, baba, noo, ang mga biktima.
Nasa pagamutan pa umano ang tatlo at isinailalim sa CT scan.
Nagkaroon na rin umano ng kasunduan ang mga biktima at pamunuan ng peryahan na sasagutin nito ang pagpapagamot sa tatlo.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng peryahan, ayon sa ulat.
Gayunman, batay sa pahayag nito sa pulisya, may kumalas umanong turnilyo sa ride na sinakyan ng mga biktima.
"Yung turnilyo kumalas doon sa pinagkakabitan nila, siguro [nakalimutan] ang maintenance nitong rides, na-mislook," ayon kay Bardahe.
Ipinatigil na muna ang operasyon ng peryahan habang patuloy ang imbestigasyon at matiyak na ligtas ang mga rides.--FRJ, GMA News