Dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang nasawi matapos silang matumba at magulungan ng tanker truck sa Batangas City.
Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay San Isidro.
Lumalabas umano sa imbestigasyon ng mga awtoridad nawalan ng kontrol sa motorsiklo ang rider matapos madulas sa kalye at matumba.
Nagkataon naman na may dumadaan na truck na dahilan para magulungan ang mga biktima na parehong 19-anyos, at residente ng Barangay Cuta.
"Yung lugar ay medyo madilim at umuulan. Tapos yung truck habang umaarangda hindi niya napansin yung motor," ayon kay Police Lieutenant Diosdado Pasion II, hepe ng Police Community Relation ng Batangas-CPS.
"Sa tingin ng ating imbestigador ay nagkaroon ng miscalculation yung kaniyang pinakapuwesto [rider]ay uneven part ng kalsada kaya nung nagka-miscalculate siya ayun na-runover siya nung truck," patuloy ng opisyal.
Kaagad naman umanong tumigil ang truck nang maramdaman ng driver na mayroon siyang nasagasaan.
Pero ipinaliwanag umano ng driver ng truck na wala siyang nakita dahil blind spot ang puwestro ng motorsiklo.
Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng truck habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Payo naman ng pulisya sa mga rider, magdoble ingat sa kalye at huwag makipag-unahan lalo na sa papasok ng Batangas City na sadya umanong maraming truck.
"Kung kayo ay mga motor at maliliit na sasakyan, mas maganda po na iwasan niyo po sila," ani Passion. "Lalo na kapag umuulan, madilim, maaaring madulas kayo sa kalsada o sa mga lubak na kalsada na ma-miscalculate kayo."
--FRJ, GMA News