Patay ang isang lalaki matapos na saksakin sa dibdib habang nakatayo sa gilid ng daan sa Pagsanjan, Laguna. Ang suspek, naniningil umano sa biktima na may utang daw sa kaniya na P2,000.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, makikita sa video na nag-uusap ang suspek at biktima, kasama ang isa pa sa gilid ng kalsada sa Barangay Sampaloc.
Maya-maya lang, sinaksak na ng suspek sa dibdib ang biktima na isa palang kolektor sa small town lottery o STL.
Tumakas ang suspek habang hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima.
Nahuli rin kinalaunan ang suspek na nagsabing sinisingil niya ang biktima dahil may utang umano ito sa kaniya na P2,000.
Pero sa halip na magbayad, pinagmumura umano siya ng biktima kaya niya tinarakan sa dibdib.
Sasampahan ng reklamong murder ang suspek. --FRJ,GMA Integrated News