Walo ang nasawi nang masunog ang isang paupahang bahay sa Barangay San Isidro sa Quezon City kaninang madaling araw ng Huwebes.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), tatlo sa mga nasawi ay menor de edad na dalawa, 12, at 15-anyos.
Isa naman ang nasugatan sa sunog.
Dakong 2:20 am nang ideklara ang first alarm sa nasusunog na tatlong palapag na gusali.
Ayon sa ilang residente, malaki na ang apoy nang magising sila. Sa bubungan na umano dumaan ang ibang residente para makaligtas.
Tumagal lang ng halos kalahating oras ang sunog at naapula na rin kaagad dahil sa mabilis na responde ng mga bumbero.
Sa kabila nito, walo ang hindi nakaligtas.
Dalawa sa mga biktima ang nakita umano ang katawan sa unang palapag malapit sa hagdan.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GTV Balitanghali, sinabi ng mga residente, 11 ang kuwarto na pinapaupahan sa gusali.
Lima rito ang nasa ibaba, lima sa ikalawang palapag, at isa sa ikatlong palapag.
Tanging ang garahe lang umano ang pasukan at labasan dahil may grills ang buong harapan ng bahay.
Masikip din umano ang hagdan at walang fire exit.
Sinabi ng isang nakaligtas na nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag, kung saan nakita ang anim sa mga nasawi.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng apoy na tinatayang aabot sa P3 milyon ang pinsala.—FRJ, GMA Integrated News