Inaresto ng mga awtoridad ang dating empleyado ng First Family, at nagpapanggap umanong malakas sa Palasyo upang makakuha ng komisyon o pera sa mga kontratista at negosyante.

Sa bisa ng dalawang warrant of arrest para sa kasong estafa, inaresto ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa isang hotel sa Pasay City kaninang hapon, ang suspek.

Ayon kay CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III, nagpapakilala umano ng suspek na malapit sa First family para hikayatin at papaniwalain ang mga kontratista at negosyante na kaya niyang maimpluwensyahan ang procurement process sa mga proyekto kapalit ng paghingi ng 3-5 percent na komisyon.

Nagpapakilala rin umano ang suspek na may posisyon sa gobyerno bilang isang undersecretary.

“Bottom line they are peddling their alleged closeness to the First family and they are using this to encourage people, to dupe people into believing that they can actually influence the outcome of procurement processes, especially bidding and supply contracts.So hindi totoo 'yun at hindi sila ito-tolerate ng ating President at First lady,” ayon kay Torre.

Hindi naman idinetalye ni Torre kung magkano ang perang nakuha ng suspek mula sa kaniyang mga naloko.

Mismong ang Office of the Special Envoy for Transnational Crime (OSETC) na nasa ilalim ng Office of the President ang nag-report sa CIDG ng ginagawang kalokohan umano ng suspek.

Mula rito, nakapagsagawa aniya ang CIDG ng surveillance at manhunt operation laban sa suspek.

Nanawagan ang CIDG sa iba pang nabiktima ng suspek na lumapit lang sa kanilang tanggapan para makapaghain ng kaso.

Hindi naman nagsalita ang suspek nang subukang hingan ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News