Bumagsak ang bahagi ng Cabagan-Santa Maria bridge sa Isabela nitong Huwebes ng gabi. Ang naturang tulay, sumailalim umano sa retro-fitting ilang buwan pa lang ang nakalilipas.

Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Huwebes, sinabi ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na bumagsak ang naturang bahagi ng tulay nang dumaan ang isang dump truck na may karga na mga bato.

Tatlong sasakyan umano ang nadamay sa sakuna, at anim na tao ang nasaktan na dinala sa ospital.

Samantala, hindi umano makita ang driver ng naturang truck.

Sa social media post, pinaalalahanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Cagayan Valley, ang mga motorista na mag-ingat.

Patungo na umano ang mga tauhan ng DPWH regional office para suriin ang pinsalang tinamo ng tulay.

Sa hiwalay na social media post ng Cagayan Provincial Information Office, inihayag umano ng mga awtoridad na isinailalim sa retro-fitting ang nasabing tulay dahil sa nakitang mali sa disenyo at tanging maliliit na sasakyan lamang ang pinapayagang dumaan. -- FRJ, GMA Integrated News