Naaresto sa Cavite ang isang lalaki na mahigit tatlong taong nagtago matapos ireklamo ng panggagahasa sa menor de edad niyang pamangkin.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing 17-anyos ang biktima nang mangyari ang krimen noong 2017.
Mula noon, nagtago na umano ang suspek hanggang sa masakote siya sa Cavite ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
“Nakapag-file po ‘yung mga magulang (ng biktima) ng kaso noong April 2018 tapos nalabasan po ng warrant nitong May 2018, so yung suspect po, nagtago na ‘yan," ayon kay Police Major Daniel Yemma, Deputy Provincial Officer ng CIDG–Cavite.
Ayon sa CIDG, lumipat ng tirahan ang suspek at kinalaunan ay nag-apply bilang delivery rider nang lumamig ang kaso.
Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya.
Sinabi pa ni Yemma na idinahilan umano ng suspek na hindi niya alam na may kaso siya.
"Pero warrant of arrest po ‘yan eh. Hindi naman po puwedeng sabihin na hindi niya alam,” anang opisyal.--FRJ, GMA News