Limang araw nang nawawala ang anim na magkakaibigan matapos silang dukutin ng mga armadong lalaki habang bumibiyahe sa Laurel, Batangas. Ang mga biktima, galing sa outing nang harangin ng mga salarin.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing walo ang magkakaibigan na nag-outing sa Matabungkay sa Batangas.
Pero habang nasa biyahe at pauwi na sa Cavite, ilang sasakyan ang gumitgit sa sasakyan ng mga biktima na napilitang tumigil sa Nasugbu-Tagaytay Highway.
Sapilitang pinalabas ng kanilang sasakyan ang mga biktima at inililipat sa mga sasakyan ng mga salarin.
Dalawa sa walong magkakaibigan ang nakatakas at kinalaunan ay inireport nila sa pulisya ang insidente.
"Tumako po kami sa may right side na may space. Mayroon po doong hagdan na pababa. Ilang sandali, lumabas na 'yong guard at sinabing wala na raw po," kuwento ng isa sa mga biktima.
Ayon kay Laurel Police officer-in-charge Police Captain Errol Frejas, nakita ang nirentahang sasakyan ng mga biktima na iniwan sa Calamba, Laguna.
Patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente. Pero isa umano sa mga biktima ay nasangkot sa ilegal na droga noong November 2020.
"Sa ngayon, iniimbestigahan pa rin namin pero mayroong isa dito sa mga nawawala ay involved sa illegal drugs. Nahuli po siya noong November 2020 dito sa San Jose, Batangas," ayon kay Frejas.
Hindi pa rin umano nakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima ang suspek kaya humihingi sila ng tulong sa makapagbibigay ng impormasyon. --FRJ, GMA News