Isang kotse ang nahuli-cam na humaharurot at "lumipad" bago bumagsak sa bubungan ng isang bahay sa Pamplona, Camarines Sur.
Sa ulat ni Rhayne Palino ng GMA Regional TV "Balitang Bicoladia," sinabing sugatan ang pamilyang nakatira sa binagsakang bahay, pati na ang driver ng kotse.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang kotse na rumampa sa tambak ng lupa na nasa gilid ng tulay.
Lumipad ang kotse bago bumagsak sa bubungan ng isang bahay na nasa ibaba ng tulay.
Mabilis daw ang takbo ng sasakyan at nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito, na umano'y nakainom din.
Nagtamo ng mga sugat ang nakatira sa bahay, habang isinugod naman sa ospital ang driver.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.
“Kahit matapos ang konstruksyon, i-observe pa rin ang defensive driving para makaiwas sa aksidente,” ayon kay Police Senior Master Sergeant Edgar Pamplona.
Mahaharap sa kaukulang reklamo ang driver na hindi pa nakuhanan ng pahayag.— FRJ, GMA News