Papayagan na muling pumasok sa isla ng Boracay ang mga turistang galing sa mga lugar na nakapalalim sa general community quarantine at modified general community quarantine.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nasa ilalim na rin ngayon ng GCQ ang lalawigan ng Aklan, na nakasasakop sa Boracay.
Gayunman, may mga patakaran na dapat sundin ang mga turistang nais magpunta sa Boracay.
Kabilang sa mga patakaran ay ang pagpapakita ng proof of booking sa accredited hotels, QR code, at negative result ng RT-PCR test na ginawa 72 hours bago ang pagbiyahe.
Naniniwala ang lokal na pamahalaan na malaking tulong sa ekonomiya ang muling pagbubukas ng Boracay.--FRJ, GMA News