Nasamsam nga mga awtoridad ang mahigit P331 milyong halaga ang pinaghihinalaang shabu sa isang buy-bust operation sa lalawigan ng Cavite, at naaresto ang suspek na mag-asawa.
Iniulat sa Unag Balita ni Bam Alegre nitong Biyernes na bulto-bulto ng mga pakete ng pinaghihihnalaang shabu ang nasabat ng mga awtoridad mula sa bahay ng mag-asawa sa Imus City noong Huwebes ng gabi.
Nakasilid sa mga pakete ng tsaa ang 48 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P331 milyon.
Itinanggi ng mag-sawa na sa kanila ang naturang mga item, at ipinatago lamang daw ito ng dalawang lalaki na suki nila sa pag-aarkila ng sasakyan.
Hindi umano nila alam kung ano ang laman ng mga kahon na iniwan sa kanila.
Diskumpyado naman ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa sinabi ng mag-asawa.
Ilang buwan din daw nilang tiniktikan ang galaw ng dalawa bago nagsagawa ng entrapment operation.
Ayon umano sa impormasyon ng mga taga-PDEA, nakatakdang dalhin sa Mindanao ang nasabat na mga item. —LBG, GMA News