Nakumpiska ng mga awtoridad ang 99 na marijuana brick at isang bote ng marijuana oil na nagkakahalaga ng halos P12 milyon mula sa isang narco-politician umano sa Tadian, Mountain Province na natalo sa eleksyon noong 2019.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek na si Rexton Bangang.
Sinabi ng PDEA na maaaring ginamit ng suspek ang drug money para makapasok sa gobyerno.
Pero natalo si Bangang sa pagka-konsehal noong 2019 local elections.
Tatlong buwan umanong minanmanan ng PDEA si Bangang, na hinihinala ring supplier ng droga ng isang sindikato.
"Ito ay dinala at ibiniyahe ng isang masasabi natin na malaking tao doon sa Tadian, Mountain Province," sabi ni PDEA-Cordillera Director Gil Castro.
Hindi nagbigay ng pahayag si Bangang.
Samantala, halos P8 milyong halaga ng marijuana ang sinunog ng mga awtoridad sa Tinglayan, Kalinga,
Walang suspek ang naaresto.
Sa Macrohon, Southern Leyte naman, isang drug suspect ang napatay matapos makipagbarilan umano sa pulisya.
Nakilala siya bilang si Rene Mori, na nagpaputok ng kaniyang armas nang malaman na katransaksiyon niya ang mga awtoridad.
Gumanti ang pulisya at napatay ang suspek.
Pitong sachet ng hinihinalang shabu, isang baril at magkadong pera ang nakuha mula sa suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News