Apat katao, kabilang ang isang pulis ang nasawi, at pitong iba pa sugatan matapos araruhin ng isang flat-bed truck ang dalawang sasakyan sa Nasugbu, Batangas.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga nasawi ang driver at pahinante ng flat-bed truck, ang lalaking pulis na sakay ng isang kotse, at isang babaeng nagwawalis sa tabing kalsada.

Lumitaw sa imbestigasyo na pababa sa Nasugbu Highway ang naturang truck na may kargang mga steel bars at mabilis umano ang takbo.

Bago nito, may naararo nang maliit na sasakyan ang truck saka dumiretso pababa, dahilan para sumalpok ito sa kotse at isang SUV.

Umandar pa pababa ang truck sa may palusong na bahagi ng Nasugbu Highway at sinubukan ng driver na umakyat sa burol sa pag-asang mahinto niya ang sasakyan.

Tumilapon ang steel bars at nagbagsakan sa apat na kabahayan.

Kaagad na dinala sa ospital ang mga nasugatang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.--Jamil Santos/FRJ, GMA News