Inisyuhan ng show cause order ang isang kapitan matapos na magsayawan ang ilang residente sa gitna ng kalye sa idinaos na pista kahit na ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine Sa Cebu City.

Sa ulat ni Niko Serreno sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita sa isang video na masayang nagsasayawan ang mga residente ng Barangay Calamba, na hindi nasunod ang social distancing at hindi pa nagsuot ng face mask ang mga kalahok.

Iniimbestigahan na ng Philippine National Police ang insidente, at inihayag na kilala na nila ang mga tao na sangkot sa kasiyahan.

Pinagpaliwanag naman ang kapitan ng Barangay Calamba dahil sa nangyari.

Noong Sabado, nagkaroon din ng paglabag ang Sitio Alumnus, Barangay Basak, San Nicolas nang magpa-Sinulog dance ang kanilang lugar sa kanilang fiesta.

Iniimbestigahan ang 14 na tao at nakatakda silang sampahan ng kaso.

Patuloy naman ang mahigpit na pagbabantay ng mga pulis sa iba't ibang mga lugar sa siyudad at may ipinadala rin na SAF troopers. —LBG, GMA News