LUCENA CITY, Quezon - Inaprubahan na ng Department of Health at magsisimula na sa Lunes ang operasyon ng COVID-19 Bio Safety Laboratory ng Quezon Province.

Ang Bio Safety Laboratory o COVID-19 testing facility ay matatagpuan sa Lucena United Doctors Hospital and Medical Center sa Lucena City.

Ayon kay Quezon Governor Danilo Suarez, hindi na raw mahihirapan ang mga taga-Quezon na makapagpasuri kung negatibo o positibo sila sa COVID-19.

Hindi na raw kasi kailangang dalhin pa sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang, Muntinlupa City ang mga specimen at maghintay ng dalawa hanggang tatlong linggo bago makuha ang resulta.

Dahil daw sa pagkakaroon ng Bio Safety Lab ay dalawang araw na lang ang itatagal bago makuha ang resulta.

 

Magsisimula na sa Lunes, Mayo 18, 2020, ang operasyon ng COVID-19 Bio Safety Laboratory sa Lucena United Doctors Hospital and Medical Center sa Lucena, Quezon.  Peewee Bacuno

 

Ayon pa Suarez, naitayo raw ang testing facility dahil sa pagtutulungan ng Provincial Government of Quezon na nagbigay ng P6 million para sa equipment, Lucena City Government na nagkaloob din ng P6 million para sa infrastructure at ng Lucena United Doctors Hospital para naman sa operasyon ng Bio Safety Laboratory.

Malaki raw ang maitutulong ng Bio Safety Laboratory sa mga taga Quezon. Madali na raw ngayon malalaman at magagamot ang mga magpo-positibo.

Libre raw ang pagpapasuri dito. Ang PhilHealth na raw ang magbabayad. 

Dagdag pa ni Suarez, mabilis ang pagdami ng mga gumagaling na mula sa COVID-19. Layunin daw niya na maging COVID-19-free na ang probinsiya ng Quezon.

Ang mga taga-probinsiya ng Marinduque raw ay welcome sa Quezon na magamit din ang Bio Safety Laboratory.

Samantala, patuloy ang pagdami ng mga gumagaling sa COVID-19 sa lalawigan ng Quezon.

Sa 81 na naitalang positibong kaso ng COVID-19 hanggang 3 p.m. nitong Sabado, 53 na ang gumaling habang walo ang nasawi. 

 

—KG, GMA News