Balot na balot at ng cellophane sheet cover ang mga tindahan sa loob ng Pagadian City Public Market dahil na rin sa banta ng Covid-19.
Tuyo na rin umano ang karaniwang basa na sahig ng fish section ng palengke dahil wala nang titilansik na tubig mula sa mga panindang isda dahil nasasalag ang tubig ng mga plastic cover.
Bukod sa mahigpit na ipinatutupad ang social distancing sa palengke, bawal nang hawakan ng mga mamimili ang mga panindang isda.
Balot na balot din ang mga stall sa vegetable and meat sections, at tindahan ng bigas.
Umaangal naman ang ilang mga mamimili dahil hindi umano sila makapamili ng gusto nilang bilhin sanhi ng cellophane sheet cover.
Gayunpaman, marami pa ring mamimili ang sumusuporta sa paglalagay ng cellophane cover dahil para sa kanila preventive measures ito kontra COVID-19.
Nangyari ang pag-cover ng plastic sheets sa mga stall sa palengke kasunod ng pagkumpirma ni Zamboanga Del Sur Governor Victor Yu na mayroong isang kaso ng COVID-19 sa Pagadian City.
Matapos ang anunsyo ng gobernador, kapansin-pansin umanong umuunti ang mga nagpupunta sa palengke.
Nananatiling nasa ilalim ng enhance community quarantine ang lungsod kung saan isa lamang kada pamilya o sa isang bahay ang pinapayagang makalabas sa pamamagitan ng inisyung home quarantine pass para makabili ng pagkain at gamot.
Sinimulan na rin noong Miyerkules ng kagabi (April 1, 2020) ang pagpapatupad ng curfew sa lungsod tuwing alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw. —LBG, GMA News