Kilala ngayon bilang isang Vivamax A-lister at bahagi pa ng "Black Rider," sinabi ni Angeli Khang na walang basbas noon ng kaniyang mga magulang ang pagpasok niya sa showbiz.
“Ang Tatay ko po talaga, he's a military general tapos ang gusto niyang ipagawa sa akin, more on marathon, sports, basketball, volleyball, taekwondo. Sabi niya sa akin, tomboy na tomboy,” kuwento ni Angeli sa Updated with Nelson Canlas podcast.
Dagdag ni Angeli, biniro pa siya noon ng kaniyang ama na sumali sa Boy Scouts of the Philippines dahil mas makatitipid sila sa pera.
"'Kapag nag-shampoo at conditioner ka pa, less money pa 'yan.' Pinapa-compute pa sa akin. 'After ilang years, 'pag nag-shampoo ka, ang daming pera ang mawawala sa'yo,'" kuwento ni Angeli.
Pandemic noon at tumigil ang face-to-face classes sa high school nang makaranas si Angeli ng depresyon.
Kaya nang magpadala ng mensahe ang kaniyang manager tungkol sa paggawa ng mga pelikula, agad niya itong kinuha.
“Unang pumasok sa utak ko, 'Uy, makikita na ako sa screen!' Tapos ang dami kong makakasalamuha na mga tao. Parang normal lang na pagpunta ko doon sa unang movie na ginawa ko, nakita ko kung paano 'yung backstage na mga shooting, mga iba't ibang artista, 'yung passion nila, lalo na 'yung mga director at prods,” sabi niya.
Lingid sa kaalaman ng mga manonood, maalaga ang production at crew sa mga artista na gumagawa ng sexy films.
"Maraming tao. Pagka-cut, may tatakbo sa 'yong tao para cover-an ka. Sobrang prepared po, sobrang professional."
Gayunman, aminado si Angeli na tutol sa umpisa ang kaniyang ina, na isang pastora, sa kaniyang pagpapa-sexy.
"At first, 'yung mom ko po talagang hindi siya natuwa," sabi niya.
“Kinall ko siya nu'ng unang scene ko ng sexy, sabi ko, 'Ma, 'pag may nakita kang movie ko na ganito, ganiyan na nakahubad ako o may sexy scene ako, hindi 'yun ganun talaga.' In-explain ko sa kaniya lahat,” ani Angeli.
"Nagulat siya, sabi niya 'Kailan ka pumasok diyan? Kailan ka nag-film?' 'Bakit ka nagdedesisyon sa sarili mo?' High school pa lang ako noon. 'Ano ang pangalan ng director saka ng may-ari niyang pinaggagawan mo? Ipagdadasal ko 'yan,'" pag-alala ni Angeli na sinabi sa kaniya ng ina.
Ngunit matapos ang apat na pelikula, nakita ng kaniyang ina ang passion ni Angeli sa pag-acting.
“Sabi ng mom ko, 'Basta wala kang natatapakan na tao, mahal mo 'yung ginagawa mo, at masaya ka sa ginagawa mo, pagpatuloy po lang 'yan,'” kuwento niya.
“And ngayon, thankful po ako na tuloy-tuloy na 'yung blessings.”
Napapanood si Angeli bilang si Nimfa sa GMA Prime series na “Black Rider.”
Kissing scene agad ang unang eksena nila ng bida nitong si Ruru Madrid, at mas lalo pang mag-iinit ang kuwento sa pagpasok ng kaniyang karakter. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News