Sinaksak sa dibdib, isinilid sa sako at pinagkasya sa isang plastic na kahon ang isang babae sa Barangay Banga, Meycauayan, Bulacan.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA "24 Oras" nitong Miyerkules, natagpuan sa isang liblib na lugar ang plastic crate kung saan nakalagay ang bangkay ng 20-anyos na biktimang si Andrea De Guzman.

May bituka pa umano ng manok na ipinatong sa ibabaw nito.

Ayon sa imbestigasyon, nasa drug watchlist ang biktima na umano'y courier ng droga at dati nang sumuko sa Oplan Tokhang.

Nawala raw si Andrea matapos makipag-inuman noong isang gabi.

Bukod sa pagkakasangkot sa droga, posibleng away sa inuman ang motibo sa krimen, ayon sa pulisya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Nananawagan ang mga awtoridad na makipag-ugnayan sa kanila ang sinumang may impormasyon tungkol sa insidente. —Dona Magsino/ LDF, GMA News