Sinampahan ni Dominic Roque ng reklamong cyber libel si Cristy Fermin sa Office of the City Prosecutor sa Pasig City nitong Biyernes.

“Ang ilang malicious statements and innuendos na sinabi ni Fermin sa kanyang Youtube channel na ‘Showbiz Now Na’ ang naging basehan ng aktor para magsampa ng kaso,” saad ng GMA Integrated News reporter Nelson Canlas sa kaniyang Instagram post.

 

 

Sa panayam sa telepono ng GMA News Online, sinabi ni Cristy na nalaman lang niya ang reklamo laban sa kaniya ni Dominic mula sa GMA.

Idinagdag ng veteral showbiz writer na karapatan iyon ni Dominic at hihintayin na lang niya ang subpoena mula sa piskalya.

“Hindi ko pa alam eh," saad ni Cristy. "‘Yung kay Bea nga, hindi pa kami nag-i-start, hindi pa namin nakukuha ‘yung subpoena.”

Dagdag pa niya, “Karapatan naman nila ‘yan. Karapatan nila ‘yan basta tingnan na lang natin kung ano ang mangyayari kapagka-nagsagutan na, ‘di ba?”

Ayon kay Cristy, "ok lang 'yon' at hihintayin niya ang subpoena mula sa piskalya para masagot nila ang reklamo.

"Yung kay Bea hindi pa nagsisimula eh. Wala pa, hindi pa namin natatanggap ‘yung subpoena. Hintayin ko na lang ‘yung subpoena nito [kay Dominic]. Magpapadala naman sila eh. Karapatan niya ‘yon, OK lang ‘yon,” sabi pa ni Cristy.

Nitong buwan din ng Mayo nang maghain ng reklamo si Bea Alonzo laban kina Cristy at Ogie Diaz, at sa kani-kanilang co-hosts sa kani-kanilang online show.

Sa reklamo ni Bea, sinabi ng aktres na biktima siya ng "false, malicious, and damaging information" mula sa taong nagpakilalang malapit sa kaniya na pinag-usapan at tinalakay nina Cristy at Ogie sa kani-kanilang programa online na walang basehan.

Nitong nakaraang Pebrero, kinumpirma nina Bea at Dominic na tinapos na nila ang kanilang engagement at hindi na matutuloy ang kanilang kasal na nakatakda sana ngayong taon.— FRJ, GMA Integrated News