Hindi maiwasang maging sentimental at makaramdam ng sepanx sina Miguel Tanfelix, Matt Lozano at Radson Flores sa pagtatapos ng Voltes V: Legacy ngayong Biyernes.
Sa “Unang Hirit” nitong Biyernes, tinanong sina Miguel, Matt at Radson tungkol sa kanilang nararamdaman sa pagtatapos ng live-action adaptation ng sikat na Japanese '70s anime, matapos nilang paghandaan at gawin ng ilang taon.
“Huwag niyo na pong ipaalala,” biro ni Miguel. “Parang ang bilis eh.”
“Kasi kinunan namin siya for four years, tapos ipapalabas lang ng four months. Parang, ‘yun na ‘yun, ‘yun na agad ‘yun?,” ayon kay Miguel.
Bukod sa pinulido ang produksyon, inabutan din ng COVID-19 pandemic ang proyekto.
“Nitong past few weeks, itong week din na ito sa past interviews, sinasabi ko palagi na hindi ko masyadong pinapansin ‘yung feeling kasi alam kong nalulungkot ako,” sabi ni Matt.
Ngunit Huwebes ng gabi nang may ipakitang bloopers ang programa.
“Naiyak ako,” sabi ni Matt.
"Nag-reserve po kami for tonight, magkakaroon po kami ng last episode livestreaming party," ayon naman kay Radson.
“Feeling ko ‘pag pinalabas ‘yung credits mamaya doon magkahagulgulan eh,” hirit ni Miguel.
Bukod kina Miguel, Matt at Radson, pinagbibidahan din ang Voltes V: Legacy nina Ysabel Ortega at Raphael Landicho.
Mapapanood ang Voltes V: Legacy ng 8 p.m., pagkatapos ng 24 Oras. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News