Nakamit ng Kapuso series na "Maria Clara at Ibarra" ang bronze medal sa 2023 New York Festivals (NYF) for Entertainment Program: Drama.
Ang serye ay tungkol kay Klay Infantes (ginampanan ni Barbie Forteza), isang nursing student na misteryosong napunta sa mundo ng nobela ni Dr. Jose Rizal na "Noli Me Tangere" at "El Filibusterismo."
Tinalakay sa serye ang pagmamahal sa bayan at istorya nina Crisostomo Ibarra (Dennis Trillo) at Maria Clara (Julie Anne San Jose). Maging ang love interest ni Klay na si Fidel (David Licauco), na kaibigan ni Crisostomo.
Napapanood ngayon at nasa number 1 spot sa Netflix Philippines ang naturang series.
Maliban sa "Maria Clara at Ibarra," kinilala rin ng New York award-giving body ang tatlo pang programa ng GMA na: "Wounds of Woes" ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," "Eye in the Dark" ng "The Atom Araullo Specials," at "Runaway Child Bride" ng Stand for Truth.
Nakuha ng "Wounds of Woes" ang gold award sa Documentary: Health/Medical Information category. Tungkol ito sa kalbaryo ng isang 14-anyos na lalaki na nagkasugat-sugat ang katawan dahil sa lamellar ichthyosis.
Habang tinalakay naman sa "Eye in the Dark" ang online sexual exploitation ng mga kabataan, at nagkamit ng gold medal para sa Documentary: Social Issues category.
Bronze medal naman ang ibinigay sa "Runaway Child Bride," na tumalakay sa child marriage sa Documentary: Cultural Issues category.
Finalists din sa New York Festivals TV & Film Awards ang iba pang programa ng GMA Public Affairs programs na "Reporter's Notebook," "I-Witness," "Born to be Wild," at tig-isa pang proyekto ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" at "The Atom Araullo Specials."
—FRJ, GMA Integrated News