Sabay na nagkaroon ng bacterial meningitis noong nakaraang taon si Lani Misalucha at mister niyang si Noli. Ang naturang pagsubok, lalong nagpatibay sa relasyon ng mag-asawa.
Ang naturang sakit, nag-iwan kay Lani ng kapansanan sa kaniyang pandinig sa isa niyang tenga na hindi na ngayon nakakarinig, na mahalaga pa naman sa kaniyang propesyon bilang mang-aawit.
Nang malaman daw ni Lani ang iniwang pinsala ng meningitis, hindi siya makapaniwala.
"'Totoo ba ito? Totoo ba itong nangyari sa akin, sa aming mag-asawa?' Na ito talaga 'yung ibinigay na disability mo na hindi makarinig. Eh ito 'yung pinakaimportante, 'yung pandinig mo sa pagkanta," sabi ni Lani tungol sa kaniyang kapansanan sa programang "Tunay Na Buhay."
"'Makakakanta pa kaya ako uli? Or talaga bang kinukuha na 'yung pagkanta sa akin?'" dagdag ni "Asia's Nightingale."
Ayon kay Lani, posibleng pareho silang nakakain ni Noli ng bad meat mula sa kontaminadong karne o manok.
Hindi itinanggi ng beteranang singer na dumaan siya sa depresyon, pero natuto siyang baguhin ang kaniyang mindset.
Saad naman ni Noli, dahil silang mag-asawa ang magkasama nang panahon na nakaratay sila sa ospital ni Lani, lalo pang tumibay ang kanilang pagsasama bilang magkabiyak.
"Thirty five years ba naman kaming magkasama. Noong nagkasakit kami nang sabay, wala 'yung anak namin, mga apo namin nasa Las Vegas... Naging mas matatag especially ngayon meron kaming disability," ayon kay Noli.
"In all aspects of life, kaming dalawa lagi. Hindi ko ma-imagine kung wala ang isa eh. So dapat talagang pair, iisa kami sa lahat ng bagay," dagdag ni Noli, na nagsisilbi ring manager sa matagumpay na career ni Lani.
Tunghayan ang kuwento nina Lani at Noli sa video ng "Tunay Na Buhay." --FRJ, GMA News