Ngayong senior citizen na, doble ang ginawang pag-iingat ni Gina Pareño tulad ng hindi masyadong paglabas sa kuwarto para makaiwas sa COVID-19. Pero ang Tiktok na libangan ng mga kabataan, kinaaaliwan na rin ng beteranang aktres.
"Noong isinwab (swab) test ako, sabi ko, 'Naku! panalo ako, siguradong makakapunta ako kasi nakakulong lang ako'... 'Yung anak ko mahigpit, nandito lang ako sa kwarto ko, buti kasama ko 'yung tatlo kong baby dogs. Hindi ako lumalabas maski sa baba, sa kusina, dine lang ako," sabi ni Gina sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes.
Hindi aniya naging madali para kay Gina ang buhay sa loob ng kuwarto ngayong may pandemya.
"Para akong maloloka. Itong pamangkin kong si Josh Maghirang, niyaya ako ng Tiktok. Sabi ko 'Sige i-try ko.' Bandang huli naaadik na ako sa Tiktok. Ang sarap palang mag-Tiktok, parang tumakbo 'yung dugo ko,'" natatawang kuwento ni Gina.
Gaganap si Gina Pareño bilang isang lola na nahuthutan ng libu-libong piso at labis na pinaasa ng nagpakilalang retired US Army pero "love scam" lang pala sa "Wish Ko Lang."
Mapapanood ang kuwento ni Lola Agnes na ginagampanan ni Gina sa Sabado ng hapon.
"May naka-chat ako na foreigner na na-type-an ako, pupunta raw siya dito sa atin sa Pilipinas. Hanggang sa nag-aantay ako sa airport, hinihingian ako ng pera na malaki kasi baggages, mga ganu'n gano'n. Tapos hindi siya dumating nu'ng pinadalahan ko kaya nagkautang utang ako," sabi ni Gina.
Makakasama ng beteranang aktres sina Aira Bermudez, Brent Valdez, Mon Confiado at Sue Prado.
Maganda ang naging pagsasama ng cast sa set sa unang beses na muli silang sumabak sa pag-arte mula nang magkaroon ng pandemya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News