Nasorpresa ang mga pasahero ng LRT-1 na sumakay at bumaba sa Roosevelt station kamakailan nang makita nila doon na nagtatanghal ang Kapuso couple na sina Jennylyn Mercado and Dennis Trillo.

Sa Facebook post ng LRT, nagpasalamat ang pamunuan nito kina Jennylyn at Dennis sa ginawang pagtatanghal sa naturang istasyon na bahagi ng pagtulong nila sa mga taong may kapansanan na pinapayagan nilang tumugtog sa LRT-1.

"Maraming maraming salamat Ms. Jennylyn Mercado at Mr. Dennis Trillo sa inyo pagbisita sa LRT-1 Roosevelt Station para mag-perform as 'blind singers' at makapagpaabot ng tulong sa ating Persons With Disabilities o PWDs na tumutugtog sa ating mga istasyon kada araw," saad sa caption ng post na makikita ang mga larawan ng Kapuso stars.

Sinabi rin sa post na ang lahat ng nalikom na pera sa ginawang pagtatanghal doon nina Dennis at Jen at ipinagkaloob sa mga PWDs.

"Muli maraming salamat sa inyo at nag-enjoy ang lahat ng aming mga pasahero sa inyong mga inihandog na awitin," saad pa sa post.

Hindi na bago sa mga supporter nina Jennylyn at Dennis ang pagtugtog lalo na ang mga followers nila na napapanood ang kanilang "Co-Love" covers sa Youtube channel ng aktres.

Katunayan, ang cover nila ng awiting "After All" nina Peter Cetera at Cher, ay umabot na sa 1.6 milyon ang views.

Ngayon naman ay kilig overload ang hatid ng dalawa sa kanilang cover ng awiting "Finally Found Someone," na kinanta nila na magkahawak kamay pa.

Umabot na sa mahigit 700,000 ang views sa naturang video. --FRJ, GMA News