Naaalala n’yo pa ba si Carrot Man?
Siya ang binatilyong si Jeyrick Sigmaton mula Mountain Province.
Malayo na ang narating ni Jeyrick mula nang mag-viral ang mga litrato kung saan may buhat siyang basket na puno ng carrots noong nakaraang taon.
Mula noon, nagkaroon na siya ng endorsement deals bilang isang modelo, lumabas din siya sa TV at ngayon, lagi rin siyang inaabangan bilang special guest sa mga malalaking pagtitipon sa Norte, tulad ng Panagbenga Festival.
Binisita ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" si Jeyrick sa Baguio, kung saan siya nakatira ngayon. Ayon sa kanya, mas mainit daw sa Baguio kumpara sa Mountain Province, kaya hindi na niya kailangan pang magpahaba ng buhok. Mas kumportable na rin daw siya sa atensyong natatamo mula sa fans.
"Nung nag-viral ako, napunta ako sa iba't ibang lugar at bansa. Nakaipon ng kaunting income mula sa mga event na siyang ginagamit ko para sa pag-aaral ng aking mga kapatid," ani Jeyrick.
Marami mang dumarating na oportunidad sa kanya ngayon, mas pinagtutuunan pa rin ng pansin ni Jeyrick ang kanyang pag-aaral. Oras na makatapos daw siya ng high school, nais din daw niyang tulungang makapag-aral ang kanyang mga kapatid.
Pero higit sa kasikatang tinamasa niya, mas mahalaga raw kay Jeyrick ang pagkakaroon niya ng pagkakataong maibahagi sa masa ang kultura at tradisyon ng tribong Ekachacran mula sa Mountain Province.
Salamat din daw sa social media, naging magandang ehemplo at modernong mukha si Carrot Man ng kaniyang tribong pinagmulan. — LA/FRJ, GMA News