Timbog ang isang 50-anyos na lalaki na suspek sa dalawang kaso ng pagpatay habang kumukuha siya mismo ng police clearance para sa trabaho sa Antipolo, Rizal.
Depensa ng suspek, napagbintangan lamang siya.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing kumuha ng police clearance sa Antipolo Component City Police Station nitong Miyerkoles ang suspek para sa pag-a-apply ng trabaho bilang construction worker.
Ngunit sa kaniyang pagbisita sa pulisya, dito na siya dinakip dahil may arrest warrant pala siya sa kasong murder.
Ayon sa Antipolo Police, nasangkot ang suspek sa pamamaril noong 2020 sa San Jose del Monte, Bulacan, kung saan ang biktima ay isang lalaking 57-anyos.
Hanggang sa ilabas ng Regional Trial Court ng Malolos ang warrant sa murder case noong 2021.
Maliban pa sa kasong murder, may kaso rin ng homicide ng lalaki, kung saan biktima naman niya ang kaniyang dating ka-live in sa San Jose del Monte.
Nagtago umano ang lalaki sa isang kaanak sa Barangay San Roque, Antipolo City.
“Ay hindi po ko nagtago. Kumukuha ako ng police clearance. Inaantay ko. Pagdating ng releasing, akala ko released na, hindi pala. ‘Yun lang ang ano ko, ako ang suspek pero wala po akong alam,” sabi ng suspek.
Iginiit niyang pinagbibintangan lamang siya ng kaanak ng nasawi niyang live-in partner.
Nakadetine ang suspek sa custodial facility ng Antipolo Component City Police Station.
“Ang masasabi ko lang doon, eh, bahala na ang gumawa ng kaso sa akin doon. Kung mapatutunayan nila na ako, tatanggapin ko. Handa naman akong makulong eh,” sabi pa ng suspek. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News