Patay ang isang lalaki sa Tondo, Manila matapos pagsasaksakin ng isa pang lalaki ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend.

Base sa kuha ng CCTV, hinahabol ng isang lalaki ang biktima sa Barangay 38,  Tondo, Manila nitong Biyernes para umano maningil ng utang.

Sa isa anggulo ng CCTV sa kahabaan naman ng Kagitingan Street, biglang nadapa ang lalaking hinahabol.

Dito na siya naabutan ng suspek at ilang beses siyang sinaksak at matapos ay mabilis na tumakbo ang suspek papalayo.

Hindi na raw siya naabutan ng mga rumespondeng tauhan ng barangay.

"Marami na pong dugo, nakita ko dugo, dugo tsaka may kutsilyo. Sabi ko, 'Wag niyo  hahawakan ung kutsilyo ah. Walang hahawak ng kutsilyo,'" ani Armel  Dangca, Barangay Tanod.

Nadiskubre na ang kutsilyong nakuha ay pagmamay-ari daw ng biktima.

Sa pagsisiyasat sa CCTV, hawak pa ng suspek ang kutsiyong ginamit sa pananaksak nung tumakas.

Agad isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na umabot ng buhay.

"Yung nakapatay hawak niya po yung kutsilyo, nakabalot po ng ano eh ng damit  niya tumatakbo eh dumaan pa po dito hindi namin napansin," ani Dangca.

Napagalamang maniningil lang sana ng utang ang biktima pero nagkainitan sila ng suspek.

“Meron pong nagsabi na, 'Pag hindi mo nabayaran yan paluin kita sa ulo.' Ayun  lang ang sabi kaya siguro nagalit po tong isa," dagdag niya.

Nagkasa na ng follow-up operations ang Manila Police District para sa pagdakip sa suspek. Mahaharap siya sa reklamong murder. — Sherylin Untalan/DVM, GMA Integrated News