Labing-isang pulis, kabilang ang dating hepe ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office, ang lumitaw sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), na sangkot umano sa pagdukot at pagkawala ng tatlo katao--kabilang ang magkapatid--na nangyari sa Cavite noong Abril 2021.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing dumulog sa NBI ang pamilya ng mga nawawalang biktima na magkapatid na Gio Jordy at Mico Franco Mateos, at kaibigan nilang si Garry Matreo.

Dinukot ang tatlo noong April 2021 sa Alfonso, Cavite.

Sa isinagawang imbestigasyon ng NBI Task Force Illegal Drugs, natukoy na responsable umano sa pagkawala ng mga biktima at kinasuhan sina Police Lieutenant Colonel Ryan Jay Orafa, na dating hepe ng RDEU ng NCRPO.

Kasama rin sa kinasuhan sina Police Lieutenant Jesus Menez, Police Staff Sergeant Roy Piquant, Police Staff Sergeant Robert Allan Raz, Police Corporal Alric Natividad, Police Corporal Troy Paragas, Police Corporal Ronald John Lanaria, Police Corporal Ronald Montibon, Police Corporal Reynaldo Seno, Police Corporal Russel Solomon, at Police Corporal Christal Rosita.

Sabit din ang apat na sibilyan na lumilitaw na mga police "asset" na sina alias “Boss Mark,” Angelo “Kulot” Atienza, Nicasio Manio, at Nicholes Manio.

Batay sa nakuhang CCTV footages ng NBI, dinukot at sapilitang isinakay ang mga biktima malapit sa kanilang lugar.

“Sila po ay biglang dinampot sa lugar namin doon. At hindi namin malaman dapat hindi nila ginawa ng ganyan na hindi pati kami nag-aalalang mga magulang,” ayon sa ama ng magkapatid na Mateos.

Bago mangyari ang pagdukot, nakakuha ng CCTV footage ang NBI sa mga sasakyan na sinasabing ginamit sa pagkuha sa mga biktima.

Nakita ang mga sasakyan na tumigil sa isang restaurant sa Tagaytay at doon nakita ang mga mukha ng mga sakay at natukoy ang pagkakakilanlan kinalaunan na sina Menez, Solomon, Rosita, at Montibon, na pawang miyembro ng Regional Drug Enforcement Unit ng NCRPO.

Kasama nila ang mga "asset" na sina “Boss Mark,” Atienza, Nicacio at Manio.

Nakakuha rin ang NBI ng kopya ng pre-operation at coordination report mula sa Philippine Drug Enforcement Agency. Nakasaad dito na magsasagawa ang grupo ng buy-bust operation laban sa isang Gio at mga kasama sa Cavite noong April 13, 2021.

Mensahe ng ama ng magkapatid na Meteos sa mga kinauukulan kaugnay sa nangyari sa kaniyang mga anak, "Ang nais ko lang po sana iparating, sila naman po ay may mga anak din, sa mga dumukot na yan sa mga gumawa na yan sa batang yan. Kung sila po ay bagay na nagkamali sa ating batas ay dapat po binigyan ng magandang hustisya mga batang yan. Yan lang po ang gusto kong iparating para ang mga taong katulad ko ay magtiwala pa sa kanila.”

Nagpadala na ang NBI ng subpoena sa nabanggit na pulis at sibilyan noong nakaraang linggo pero hindi sila sumipot.

Pero tiniyak ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, sa pamilya ng biktima na makikipagtulungan ang PNP sa imbestigasyon.

“Sa mga pamilya po ito ang asahan ninyo sa PNP, kami po ay makikipagtulungan ang dapat makulong ay ipapakulong po natin ang dapat managot ay papasagutin po natin,” ani Abalos.— FRJ/ GMA News