Nauwi sa engkuwentro ang pagtugis ng mga awtoridad sa tatlong suspek na nang-agaw umano ng motorsiklo sa isang rider sa Quezon City kaninang madaling araw.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente kaninang 1:00 am nang tutukan umano ng baril ng tatlong suspek ang isang rider para kunin ang kaniyang motorsiklo sa IBP Road sa Quezon City.

Ayon sa biktima, naghatid lang siya ng kaniyang kaibigan nang lapitan siya ng tatlong salarin na nakasakay sa dalawang motorsiklo.

Wala na raw siyang nagawa kung hindi ibigay ang kaniyang motorsiklo nang tutukan na siya ng baril.

Humingi raw siya ng tulong sa kaniyang kaibigan at sa kabutihang palad ay may napadaan na police mobile kaya kaagad nilang naisumbong ang insidente.

Ayon sa pulisya, mabilis silang naglatag ng dragnet operation at nasabat ang dalawang suspek sakay na sa motorsiklo ng biktima sa bahagi ng Senatorial Road.

Pero sa halip na sumuko, nagpaputok umano ng baril ang mga suspek at gumanti naman ng putok ang mga pulis.

Tinamaan ang mga suspek pero hindi pa batid ang kanilang kalagayan matapos isugod sa ospital. Wala namang nasaktan sa panig ng mga awtoridad.

Bukod sa motorsiklo ng biktima, dalawang baril ang nakuha ng mga pulisya sa pinangyarihan ng engkuwentro.

Patuloy na hinahanap ang isa pang suspek. --FRJ, GMA News