Bumaba sa 17,796 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kasunod ng mababang bilang ng mga bagong kaso ng virus na umabot lang sa 975 nitong Huwebes.
Ayon sa Department of Health, sa nasabing bilang ng active cases o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling pa, 52.7% ang mild cases, 5.4% ang asymptomatic, 14.4% ang severe, at 6% naman ang kritikal ang kalagayan.
Habang 1,029 na pasyente pa ang gumaling, at 193 naman ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw.
Naitala sa 2.8% ang positivity rate sa 38,961 katao na isinailalim sa COVID-19 tests.
Mayroon namang 181 na kaso na unang naitalang gumaling, ang inilipat sa listahan ng mga pumanaw matapos ang final validation.
Sinabi rin ng DOH na mayroong dalawang laboratoryo ang hindi operational noong November 23, at tatlong laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.—FRJ, GMA News