Bumulagta sa kalsada ang isang menor de edad na lalaki matapos siyang mahataw sa ulo ng kahoy ng isa sa kaniyang mga naka-riot na bata rin sa Caloocan City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV ng Brgy. 73, Zone 7, District 2 ang ilang kabataang pabalik-balik na nagtatakbuhan at tila nakikipagpatintero pa sa mga sasakyan.
Makikita na may mga dalang kahoy, walang suot na face masks at face shield ang mga bata.
Ilang saglit lamang, makikitang hawak na ng batang nakahubad ang kaniyang ulo, may dugo sa kaniyang likod, pasuray-suray sa paglalakad, hanggang sa bumulagta sa kalsada.
Pinagtulungan ng mga kasamahan na buhatin ang bata.
Ang humampas sa ulo ng biktima na isa ring menor de edad, isinuko ng kaniyang mga magulang sa barangay.
"Dumaan po kami sa kanila 'yung nakaaway namin, sumisigaw sa bahay nila, war daw, war. Paglabas namin inaantay na po namin doon tapos lumabas na po," sabi ng menor de edad na nakahampas sa biktima.
Ayon sa nakapalo, niyaya lang siya ng kaniyang barkada, at hindi niya alam na riot ang kanilang pupuntahan.
Napayuko na lamang ang batang nakapalo nang ipapanood sa kaniya ang pagbulagta ng batang naka-riot nila.
Ayon kay Gerwin Bernales, Deputy Ex-O ng barangay, nagsisimula ang mga riot ng mga kabataan sa mga chat sa social media kung saan sila magkikita.
Nahuli na noong isang araw ang mga nag-riot na bata.
Nagpapagaling sa kasalukuyan ang batang bumulagta sa video.
Hinihintay pa ang resulta ng kaniyang medical examination bago gumawa ng hakbang sa mga kasama sa riot.--Jamil Santos/FRJ, GMA News