Nagdudulot umano ng matinding pinsala sa yamang-dagat ang itinatapong dumi ng tao at iba pang nagdudulot ng polusyon na mula sa mga barko ng China na naka-angkla sa South China Sea, at bahagi ng West Philippine Sea, ayon sa isang US-based expert.
Ayon kay Liz Derr, founder and CEO ng Simularity, na eksperto sa geospatial analysis at nagbahagi ng satellite data imagery, makikita ang pagtatapon umano ng mga Chinese ship ng mga dumi sa dagat na ginagawa ng mga Tsino araw-araw sa nakalipas na ilang taon.
Dahil sa polusyon na nililikha ng mga itinatapong dumi, kabilang ang dumi ng tao, nagkaroon na umano ng Chlorophyll-a.
“It is so intense you can see it from space,” ani Derr sa online forum na ginawa ng Stratbase ADR Institute para sa ika-5 taong anibersasryo ng pagkakapanalo ng Pilipinas sa arbitral tribunal laban sa China.
Sa satellite images sa nakalipas na limang taon, sinabi ni Derr na ang mga dumi na galing sa mga barko ng China ay lumikha ng makapal na Chlorophyll-a na naging sanhi ng "reef damage that will take decades to recover even with active mitigation."
“When the ships don’t move, the poop piles up,” paliwanag niya. “The damage to the reefs in the last five years is visible and dramatic.”
Nasa 236 barko ng Tsina ang namataan sa Union Banks o Pagkakaisa Reefs, na pasok sa West Philippine Sea hanggang nitong June 17, ayon kay Derr.
Ang pinsala sa mga yamang-dagat, ayon kay Derr ay karagdagan sa mga dokumentadong pinsala na ginagawa ng China sa karagatan, kabilang na ang pagkuha sa mga endangered giant clams at magtatayo ng artificial island-building.
Babala ni Derr, ang pinsala sa karagatan ay magdudulot ng gutom dahil sa maapektuhan nito ang commercial fishing sa South China Sea, na pinagkukunan ng pagkain ng milyong-milyong tao sa rehiyon.
Bukod sa China at Pilipinas, may kaniya-kaniya ring pag-angkin sa bahagi ng South China Sea ang Brunei, Malaysia, Vietnam at Taiwan.—FRJ, GMA News