Pumanaw na ang kongresista ng ikalawang distrito ng Antipolo City na si Representative Resurreccion Acop dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19.
"She will be remembered for her kindness, passion and commitment to selflessly serve the people of the 2nd district of Antipolo City," nakasaad na inilabas ng Kamara de Representantes.
Si Resurreccion ay asawa ng retiradong police general at dati ring kongresista na si Romeo Acop.
Ayon kay Romeo, dinapuan sila ng COVID-19 noong nakaraang buwan at nagkaroon ng komplikasyon ang kaniyang maybahay.
"Initially 'yung lungs niya may bacterial pneumonia kung tawagin nila 'yun and then nagkaroon siya ng some blood clotting. 'Yun ang kuwan sa kanya," saad ni Romeo sa mga mamamahayag.
"Until I was told, kasi minsan lang kami pinayagan bumisita. I was told nagkaroon ng organ failure, ng multiple organ failure. Naapektuhan 'yung kidney niya, ganoon ang nangyari," patuloy ng dating mambabatas.
Ipagdiriwang sana ng kaniyang maybahay ang ika-74 kaarawan sa Nobyembre.
"She was a good and patient wife, a good and patient mother, a good and patient grandmother, a very good and patient companion, and a patient and kind friend to all her friends," sabi ni Romeo.
Nagpaabot din ng pakikiramay sa pamilya Acop ang lokal na pamahalaan ng Antipolo City.
Nagsilbing vice chairperson ng House Committee on Health si Resurreccion. May inihain siyang 102 panukalang batas at naging co-author sa 44 na iba pang panukala. —FRJ, GMA News