Nadakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking nagpakilalang empleyado ng Department of Justice (DOJ) matapos umanong kotongan ng P1 milyon ang isang broker bilang "pasalubong" sa bagong hepe ng Bureau of Custom.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Louie Miranda, na mariing itinanggi ang alegasyon na nangongotong siya.
Nadakip si Miranda matapos niyang kunin ang isang supot na may lamang P1 milyon na hiningi umano niya sa biktima.
Ayon sa mga awtoridad, modus umano ni Miranda ang manghingi ng pera sa mga broker bilang “enrollment” o pasalubong para sa bagong Customs commissioner upang hindi sila higpitan.
“‘Yong activity of demanding and receiving money, bakit ganoon?” sabi ni Customs deputy commissioner Raniel Romero nang makaharap si Miranda.
Pero depensa ni Miranda, “Sir, I never demanded sa kanila. I was equally surprised. Sabi ko, ‘Ano ito?’”
Mariing itinanggi ng mga opisyal ng Bureau of Customs na nanghihingi sila ng pera.
“Definitely, walang ganitong effort. We have a hotline 8484 for corruption-related matters. We will see to it that it is acted upon,” giit ni Romero.
Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na iimbestigahan nila ang insidente.
“Ang established lang is connected talaga siya sa DOJ pero ‘yong eksaktong role niya o posisyon niya, hindi po natin ma-establish. In-admit na po natin sa forensic ‘yan at mayroon tayong nag-intel gathering up to now kung sino ‘yong mga puwedeng kasabwat niya,” ayon kay NBI Special Action Unit chief Atty. Emeterio Donggallo, Jr.
Mahaharap si Miranda sa reklamong robbery extortion. -- FRJ, GMA News