Isang patay na sanggol ang inabandona sa isang kainan sa Mandaluyong, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.
Pinaghahanap ngayon ang matandang babaeng nang-iwan nito.
Iniwan lang sa isang paper bag ang lalakeng sanggol sa Barangay Hagdang Bato Libis pasado hatinggabi nitong Linggo. Naka-diaper at damit na maayos naman ang sanggol pero wala na itong buhay.
Iniwan daw ito ng isang matandang babae malapit sa isang kainan.
Dinala na sa punerarya ang sanggol habang patuloy na inaalam ng mga otoridad kung sino ang matandang nag-iwan ng labi ng sanggol. Titignan daw nila ang mga kuha ng CCTV sa lugar. —KBK, GMA News