Sinimulan nang maghakot ng mga tauhan Manila Department of Public Services at mga taga-Department of Public Works and Highways ng tambak-tambak na basura dakong alas-siete ng umaga nitong Huwebes sa pasisikap na linisin ang dalampasigan ng Manila Bay.

Naipon ang mga basura sa gitna ng pabugso-bugsong ulan nitong magdamag.

Photos by Vonne Aquino


Inuna muna nilang ihiwalay ang mga kahoy na itinabi nila sa Baywalk area.

Isang truck naman ang pinaglagyan ng mga nahakot na basura.

Pati mga mangangalakal ng basura, namulot din ng mapapakinabangan nila sa tambak ng basura na karamihan ay mga piraso ng kahoy, plastic, styrofoam at mga tsinelas.

Ayon sa Manila City Hall, simula umano nang mag-uuulan, nakakahakot daw sila ng average na dalawang truck o, apat na tonelada ng basura kada araw.

Nanggagaling daw ang mga basurang ito sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila, at sa mga lalawigan ng Cavite, at Laguna.

Panawagan nila sa publiko, maging responsable sa pagtatapon ng basura. —LBG, GMA News