Nanikip ang dibdib, hindi makahinga nang maayos at nanigas ang buong katawan. Ganito ang nangyari sa isang kolehiyala dahil daw sa tila walang katapusang deadline sa kaniyang "acads." Ang estudyante, posible nga bang nakaranas ng anxiety attack? Alamin.

Sa ulat ng "For You Page" ng GMA Public Affairs, sinabing nagkaroon ng one-on-one kuwentuhan noon ang college student na si "Jennifer" at ang kaniyang ina tungkol sa kaniyang mga deadline sa eskuwelahan. Pero ilang saglit lang, bigla na lamang siyang hindi makahinga at nanigas ang buong katawan.

"That time po kasi, sunod-sunod, may dalawa pa kaming defense sa major subjects namin. And then sunod-sunod 'yung day ng defense namin. And then sobrang dami ko pong ginagawa," kuwento ni Jennifer.

Halos tatlong buwan ding kinimkim ni Jennifer ang nangyayari sa kaniyang "acads" [academics].

Sa isang video, mapanonood si Jennifer sa ospital na hinahabol ang kaniyang hininga habang may paper bag sa mukha. Layunin nito na ma-regulate ang kaniyang paghinga dahil sa lala ng kaniyang kondisyon.

"Noong una kong naramdaman that time, sobrang naninikip 'yung dibdib ko, hindi ako makahinga nang maayos," kuwento niya.

"Siguro rin po dahil sa sobrang pagod that time, that's why inatake. First time ko rin po 'yun na ganoon kalala 'yung anxiety attack ko," dagdag niya.

Kinumpirma ng eksperto na anxiety attack ang nangyari kay Jennifer, na sinabing kahit hindi lahat ay nakararanas ng mga ganitong bagay, isa itong seryosong usapin at kondisyon.

"Based sa experience namin, number one cause especially sa mga nag-aaral ay school activities. 'Yung pressure sa school tulad ng pakiramdam na sila ay babagsak sa eskuwelahan ay pinaka-number one stressor na kinahaharap nila," sabi ni Vincent Manuel MD, na doktor sa internal medicine-mental health at adult cardiology.

"Number two is 'yung bullying. Pagka nandoon na 'yung kanilang stressors, bigla na lang silang kinakabahan, either ito 'yung kaklase nila or kanilang professor, sila ay bigla na lang kinakabahan na nagko-cause ng kanilang panic or pangamba," dagdag ni Dr. Manuel.

Sa ngayon, mas naaasikaso na ni Jennifer kahit paano ang kaniyang buhay-estudyante.

"'Yung stress naman sa acads, hindi naman talaga nawawala 'yun. Pero sa ngayon kasi, mas manageable na 'yung stress compared noong last, last sem," sabi ni Jennifer.

Payo ng eksperto sa mga nakararanas ng anxiety attack, nakatutulong ang magkaroon ng healthier lifestyle.

"Number one, tamang pagtulog. Tamang lifestyle. Pito hanggang siyam na oras na tulog sa isang gabi. Pangalawa, very important na umiwas sa bisyo katulad ng paninigarilyo o pag-inom ng alak," sabi ni Dr. Manuel.

Mainam din na unti-unting harapin o i-overcome ng isang tao ang mga nagsisilbing "trigger" o sanhi ng kaniyang anxiety. Dahil kung patuloy itong iiwasan, magiging lifetime cycle ito na posible pang lumala.

"Very important na huwag tayong mahiya kapag ka tayo ay nakararamdam ng ganitong condition. Sapagkat ito 'yung nagiging problema ngayon na nagkakaroon ng stigma tungkol sa mental health disorder. Itong anxiety, very common ito sa atin, kahit sino puwedeng magkaroon ng anxiety," paalala ni Dr. Manuel.

Patuloy niya, "Subalit, iba-iba 'yung ating coping mechanism. Very important meron tayong kausap, kung ito 'yung ating magulang, mga malapit sa buhay na mapagkakatiwalaan. At very important na, siyempre magpa-check up tayo sa espesyalista upang mabigyan ng tamang lunas 'yung mga ganitong conditions na kinahaharap natin." -- FRJ, GMA Integrated News