Sa kabila ng kaniyang tagumpay sa pagtitinda ng hotdog sandwich na overload with cheese, may mga pumupuna sa 16-anyos na si “Neneng B,” dahil sa paghahanap-buhay niya sa halip na asikasuhin ang pag-aaral.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakita kung gaano kalakas ang tindang P50 na hotdog and sausage sandwich ni “Neneng B,” o Geraldine Olmos, sa Carriedo sa Quiapo, Maynila

Tumatak sa netizens ang linya ni Neneng B, short for “Neneng Bungisngis,” na “Ma! Anong ulam?,” na paghikayat sa ibang kabataan na kumilos at tumulong din sa mga magulang sa halip na maghintay lang sa oras ng pagkain.

Bagaman marami ang humahanga kay Geraldine sa kaniyang pagtitinda para makatulong sa pamilya, mayroon ding pumupuna at nagsasabing pag-aaral ang dapat na inaasikaso ng mga kabataan.

Hindi rin umano dapat husgahan ni Geraldine ang ibang anak na hindi naghahanap-buhay na katulad niya. Habang may nagsabi rin na may ibang kabataan na tahimik lang na dumidiskarte sa buhay at hindi ipinagyayabang.

Kuwento ni Geraldine, noong lang nakaraan taon niya sinimulan na magtinda ng hotdog sandwich sa Quiapo, kung saan nagtitinda rin ang kaniyang pamilya.

“Noong nakaraang taon po kasi, nag-face-to-face po kami [sa klase]. Nag-try po ako ng homeschool po. Minsan naisipan kong pagsabayin po. Nanghiram po ako sa nanay ko ng pampuhunan po,” sabi ni Neneng B.

Nagdesisyon si Neneng B na hotdog sandwich ang itinda dahil ito ang isa sa mga pagkaing madaling gawin at ibenta sa kalye.

Agad napansin ng mga tao si Neneng B dahil sa nag-uumapaw niyang toppings. Maging sa online world, mabilis na kumalat ang patok niyang hotdog sandwich.

Dagsa sa pila ang mga customer, pero sinasabihan sila ni Neneng B na “first come, first serve.” Hindi niya pinahihintulutan ang pagsingit sa pila kahit pa mga vlogger.

Dahil dito, mas humanga pa sa kaniya ang netizens at mga bumibili.

Sa kabila ng ilang puna sa kaniyang ginagawa, sinabi ni Geraldine na ang pagtulong sa magulang ang nasa isip niya at makamit ang kaniyang pangarap -- ang makapagtapos ng pag-aaral at maging isang pulis.

“Pangarap ko po kasing makapagtapos ng pag-aaral. Maging pulis po. Gusto ko po kasing tumulong sa mga taong naghahanap ng hustisya,” sabi ni Neneng B.

“Sobrang halaga po ng pag-aaral dahil po ‘yung pag-aaral ‘yun po ang susi ng tagumpay. Sinasamahan ko lang po talaga ng diskarte po,” sabi pa niya.

“Lahat po kakayanin, wala pong mahirap, basta po pagdating sa pamilya,” anang dalagita.-- FRJ, GMA Integrated News