Isang electric bike ang nahuli-cam na biglang umusok habang umaarangka, at nasundan ng pagsabog bago tuluyang masunog sa Tianjin, Northern China.

Sa video na makikita sa GMA Integrated Newsfeed, biglang napatingin ang sakay ng e-bike nang mapansin niya ang usok na nanggaling sa baterya.

Kaagad siyang bumaba ng bisikleta at pilit na isinalba ang kaniyang mga gamit bago siya lumayo.

Ang e-bike, ilang ulit na pumutok bago tuluyang nabalot ng apoy.

Kaagad namang rumesponde ang mga bumbero para patayin ang apoy sa e-bike na nakatumba sa gilid ng kalsada.

Sa inisyal na pagsusuri ng mga awtoridad, lumalabas na palyado ang baterya ng electric bike.

Bukod dito, may isa pang insidente ng pagkasunog ng baterya ng e-bike na naganap din sa China.

Dahil dito, nagpaalala ang awtoridad na tiyakin na galing sa lehitimong supplier ang mga baterya at charger.

Nagbabala rin sila laban sa pag-charge ng e-bikes sa loob ng bahay at sa loob ng mga establisimyento.--FRJ, GMA Integrated News