Nagdulot ng takot sa isang pamilya sa Balanga, Bataan, ang isang inakala nilang maliit na sanga ng halaman na biglang gumalaw at kumislot na tila isang bulate. Ano nga ba ang kanilang nakita?

Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood ang video ni Jarwin Dizon ang paggalaw ng tila payat na sanga na unang nakita ng kaniyang anak sa isang timba sa loob ng kanilang banyo.

“Sinalok niya ng tabo, tapos akala ho niya stick. Nagulat ho siya sabi niya nga, matigas siya eh, makunat, parang goma. Noong ipinakita niya sa amin, inilagay namin doon sa semento, sa initan. Iyon, doon kami nagulat! Tapos gumalaw siya,” sabi ni Dizon.

Nang mainitan, malabulate na kumislot ang kakaibang bagay na muling tumigil sa paggalaw nang mabasa.

Unang hinala ng pamilya na isa itong klase ng parasite.

In-upload ito ng pamilya para magtanong sa netizens kung anong klase ng bulate ang kanilang nakita.

Dito, nalaman nila na isa itong parasite na "horsehair worm."

Sinabi ng University of Kentucky College of Agriculture na parasitikong umaatake sa arthropods tulad ng tipaklong, ipis, kuliglig at ilang uri ng salagubang ang horsehair worms.

Nabubuhay at nangingitlog ang mga adult horsehair worm sa tubig.

Sa oras na mapasok ng larva ang katawan ng host, mananatili ito roon hanggang maging adult.

Kung handa nang mangitlog ang horsehair worm, babaguhin nito ang behavior ng host para lunurin ng insekto ang sarili at doon na muling lalabas sa katawan ng host ang uod.

Sinabi ng mga eksperto na hindi nakaka-infect ang horsehair worms sa katawan ng vertebrates tulad ng mga tao at hayop.

Gaynuman, maaari itong makapasok sa katawan ng tao at magdulot ng pananakit ng tiyan at iba pang discomfort. -- FRJ, GMA Integrated News