Itinuturing malaking biyaya ng mga residente sa isang barangay sa Maasim, Sarangani, ang nasa isang toneladang isdang sambagon o skipjack tuna na nahuli malapit lang sa dalampasigan.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Biyernes, ipinakita ang video na kuha ni Myra Landis, na nagkakagulo ang mga residente sa Purok Kanayan sa Barangay Daliao, sa pagkuha ng mga isda.

Tanghali umano nitong Huwebes nang malatag ng lambat ang mga mangingisda malapit sa baybay. Pero nagulat sila nang maging mabigat ang lambat at hindi na nila mahatak.

Kaya naman tumulong na sa paghatak ng lambat ang iba pang residente at tumambad ang malalaking isda.

--FRJ, GMA News