Siyam katao na lumabag umano sa curfew ang pinalangoy sa marumi at mabahong kanal sa Barangay San Antonio sa Davao City. Pero ang naturang parusa, hindi pasado kay Davao City Sara Duterte.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, hindi naitago ng mga pinalusong sa canal ang galit at takot na bago magkasakit sila dahil sa pinagawa sa kanila.
“Ang dumi niyan. Sinabihan nila kami na mag-mask eh mas matindi pa ‘yan kaysa sa COVID sa dami ng insekto,” sabi ni Jay Lloyd Purisima.
“Nakainom kami ng tubig niyan. Single father ako tapos ito lang ang kinabubuhay namin ang pamamasada, kukunin pa nila,” pahayag naman ni Frederick Matias.
Para kay Mayor Sara Duterte, hindi makatao ang naturang paraan ng pagpaparusa.
"Palanguyin ang isang tao sa kanal? No, it's not humane. What is humane is dapat pinaglinis sila ng kanal," anang alkalde.
Pero binigyan-katwiran naman ng ilang opisyal ng barangay ang naturang parusa dahil pasaway daw ang mga tao.
“Para sa amin tama ‘yon para maturuan sila ng leksiyon kasi kahit anong gawin ng pakikiusap, hindi nakakaintindi,” ayon sa purok leader na si Lisa Paglinawan.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang sangkot sa pagpapalangoy sa mga biktima sa canal.
“Sasampahan natin ng criminal at administrative sanction, kasama rin ang barangay official o kung sino man ang sangkot sa isyu na ito,” ayon kay Davao City Police Office spokesperson Police Captain Rose Aguilar.--FRJ, GMA News