Napalitan ng pangamba at mga tanong ang kasiyahang unang nadama ng isang ginang nang malaman niya na babae ang kaniyang iniluwal na sanggol sa isang paanakan sa Cebu City. Pagkalipas kasi ng dalawang araw matapos manganak, lalaking sanggol ang ibinigay sa kaniya.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing labis na galak ang naramdaman ng ginang na hindi pinangalanan, dahil natupad na ang pangarap nilang mag-asawa na magkaroon ng anak na babae dahil pawang lalaki ang nauna nilang tatlong anak.
Pagkatapos manganak sa pamamagitan ng cesarean operation, ipinaalam umano ng tauhan sa paanakan na babae ang kaniyang anak. Maging sa mga dokumento, nakasaad din na babae ang sanggol.
Pero pagkalipas ng dalawang araw na pananatili ng sanggol sa nursery room, ibinigay na sa ginang ang kaniyang anak ngunit isang sanggol na lalaki.
Nag-alok ang paanakan na isailalim sa DNA test ang sanggol at pumayag naman ang mag-asawa.
Gayunpaman, nais pa rin ng mag-asawa na magkaroon din ng independent group na magsasagawa ng DNA test para iwasan ang anumang pagdududa sa magiging resulta nito.
Gusto rin nilang maitama ang pagkakamali ng paanakan para hindi na maulit sa iba ang nangyari sa kanila.
Nakatakdang magbigay ng pahayag ng pamunuan ng paanakan at ang Department of Health sa nangyari.-- FRJ, GMA News