Sinulog Festival sa Cebu, Ati-Atihan Festival sa Aklan at Lakbayaw Festival sa Tondo, Maynila. Ilan lamang ito sa mga patunay na nananatiling buhay ang debosyon ng mga Pilipino sa batang Hesus pagkaraan ng halos 500 taon mula nang dalhin ni Ferdinand Magellan ang unang imahen ng Sto Niño sa Pilipinas.
Sa GMA News "Balitanghali" report ni Mark Salazar nitong Biyernes, sinabing 1521 nang dumating si Magellan sa Cebu at iniregalo ang imahen ng Santo Niño sa asawa ni Rajah Humabon.
Nabinyagan ang mag-asawa kinalaunan bilang mga Katoliko.
"Napagkatuwaan nu'ng reyna na asawa ni Haring Humabon 'yung Santo Niño. Ina-associate nito sa anito na ginagamit na ng mga taga-Cebu upang i-represent 'yung kanilang mga ancestors at 'yon 'yung kanilang ginagamit sa pagsamba. Ganu'n din 'yung Santo Niño. Isa siyang representasyon ni Hesu Kristo na ginagamit sa pagsamba," ayon kay professor Xiao Chua, isang historian.
Dumating naman si Miguel López de Legazpi sa Tondo, Maynila noong 1572 kasama ang mga misyonaryong Agustino dala ang isa pang imahen ng Santo Niño.
"Si Miguel López de Legazpi kasama si Padre Martin de Rada ang nagdala ng ebanghelyo, na kumbaga'y pagpapakilala sa pananampalatayang Katoliko ang nagbinyag kay Lakandula at sa kaniyang mga kapamilya pa," ayon kay Father Estelito Villegas, parish priest ng Sto. Niño de Tondo Parish.
Noong 1972, ninakaw sa simbahan ng Tundo ang Sto. Niño, at pagkaraan ng ilang linggo ay natagpuan ang pinanghiwa-hiwalay nitong katawan.
Itinuturing ng mga deboto na gumawa ng himala ang Sto. Niño nang tumigil ang ilang araw umanong pag-ulan sa Metro Manila nang maibalik na sa simbahan ang imahen.
Ipinagdiriwang ang kapistahan ng Sto. Niño sa ikatlong linggo ng buwan ng Enero.
Sa Bohol, nakaugalian na ng pamilya Montero na mangolekta ng mga imahen ng Batang Hesus bilang debosyon.
Sa kanilang "Museo de Montero," makikita ang iba't-ibang klase ng mga santo na aabot na sa isang daan, at ilan sa mga Sto. Niño ay mga antigo na. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News