Kung ang iba ay pintura o paintbrush ang gamit sa pagguhit ng obra, mga pako at sinulid naman ang ginagamit ng isang lalaki para makagawa siya ng mga mabusisi at makukulay na obra. Ang kaniyang negosyo, umaabot ang kita ng hanggang P100,000 kada buwan.
Sa programang “Pera Paraan,” ipinakilala ang string artist na si Jeremiah Zaraspe, na may-ari ng Pizi Stringarts.
“It's a good opportunity po para sa amin na ma-introduce ‘yung string art. Wala pang masyadong gumagawa po rito sa bansa natin,” sabi ni Zaraspe.
Nagsimula si Zaraspe sa paggawa ng string art na nakita niya online, at sumubok lang muna ng mga basic pattern.
Ang mga kaibigan niya ang una niyang mga naging kliyente. Sa tulong ng online posts at rekomendasyon ng mga kaibigan, unti-unting dumami ang nagpagawa sa kaniya.
“Challenging po talaga na gawin siya gamit lang sinulid tsaka pako. Kumbaga memorable once binigay po sa kanila,” sabi ng string artist.
Bukod dito, gumagamit din si Zaraspe ng digital layout upang makuha ang tamang bilang ng pako na kakailanganin sa bawat artwork.
Bago nito, si Zaraspe ang pinangasiwa ng kaniyang ina sa kanilang negosyong call center.
Ngunit nang ikasal, naging independent na siya at nagnegosyo ng mga halaman.
Hindi tumigil si Zaraspe na hanapin ang tamang negosyo para sa kaniya.
“Ang maganda sa string art, focus po talaga habang ginagawa siya. Hindi mo maisip ‘yung mga problema. Bigla na lang lumawak ‘yung imagination ko. Mayroon talagang mapapatunayan sa string art. Nag-pray po talaga ako sa Panginoon na pagpalain Niya po kung ano meron po sa akin,” sabi niya.
Hanggang sa makagawa na rin si Zaraspe ng face portraits na patok sa kaniyang market.
Mula sa P1,000 puhunan, kumikita na si Zaraspe ng P100,000 hanggang P150,000 kada buwan.
“Answered prayer po talaga. Dahil sa tulong po ng string art sa amin, may pinto na kaming bago. Tapos ‘yung flooring namin, okay na din. Nag-boom po kami. Natuto rin kaming maging praktikal sa budget,” sabi ni Zaraspe.
Tunghayan kung papaano ginagawa ni Zaraspe ang kaniyang string art at tinuruan niya ang host na si Susan Enriquez. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News