Isang imahen ng batang Hesus na tinatawag na Santo Nino na hubad o walang saplot na isang pulgada lang ang laki, ang tinatangkilik ng ilang deboto dahil paniniwala na may dala suwerte at proteksiyon. Ngunit ang mismong Arsobispo ng Cebu, ipinagbawal ang pagbebenta nito.
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita ang naturang kontrobersiyal na imahe ng Santo Niñong hubad na may suot na korona, may hawak na globo, at nakalitaw ang pribadong parte ng katawan.
Sa paglilibot ng Team KMJS sa mga tindahan ng religious items sa Cebu City, napansin nila na wala nang nagtitinda ng naturang Santo Niñong hubad.
Si “Ney,” hindi niya tunay na pangalan, dating nagbebenta ng Santo Niñong hubad noong 2020. Ayon sa kaniya, kalimitang mga turista ang bumibili ng imahen.
Naibebenta niya ito mula P600 hanggang P750 kada piraso.
Paniwala ng ilang mga deboto, nagdudulot ng proteksiyon sa paglalakbay, at suwerte sa negosyo, trabaho at lovelife.
“Marami siyang binibigay na biyaya sa amin,"ani Ney. "Lumago ang negosyo namin.”
Si “Alexis,” hindi niya tunay na pangalan, na pinagkukunan ni “Ney” ng Santo Niñong hubad, sinabing matagal na itong ibinibenta kahit sa Quiapo noong 2006.
Inaangkat lang daw nila din ang Santo Niñong hubad mula sa Maynila.
Ikinuwento ng tindero sa Quiapo na si Dante Lacbay, nagbebenta ng Santo Niñong hubad, na naipamana sa kaniya ng kaniyang mga magulang ang pagtitinda ng mga medalyon.
Sila na rin mismo ang gumagawa ng Santo Niñong hubad gamit ang tanso.
Para magkaroon ng bisa, sinasamahan ito ni Lacbay ng dasal o orasyon. Dapat na lagi rin itong dala sa pitaka, bulsa, o gamiting pendant.
Dahil sa kanilang negosyo, nakapagpatayo sina Lacbay ng sariling bahay at pagawaan ng mga santo at mga medalyon.
Gayunman, nagbabala si Cebu Archbishop Jose Palma tungkol sa Santo Niñong hubad.
Natuklasan niya ang nag-viral na commercial video sa Facebook na may nagpakilalang pari na ginamit na background ang Basilica Menore del Santo Niño Cebu para ibenta ang Santo Niñong hubad.
“Kung inyong titingnan, kahit ang kaniynang advertisement ay hindi maganda. Sabi niya libre pero may shipping fee,” sabi ni Palma.
Sinabi rin sa ad na binasbasan niya ang imahen, bagay na kaniyang itinanggi.
“Hindi naman totoo na ako ang nag-bless. Disrespectful naman ito sa Santo Niño. Dito sa Cebu maganda ‘yung image, ‘yung sa kaniya, hubo. Huwag naman nating nililinlang ang tao. I-promote natin pero huwag sa mga images na hindi proper,” sabi ni Palma.
Paliwanag pa ni Palma, hindi maganda na ginagamit ang isang imahen bilang gayuma o anting-anting para suwertehin.-- FRJ, GMA Integrated News
“Iba na ‘yon, parang magic na ‘yon. Hindi ‘yon maganda sa pananampalataya. Ours is trust,” sabi pa ni Palma.
Ang iniiendorso lamang ni Palma sa Cebu ang imahe ng Santo Niño de Cebu. -- FRJ, GMA Integrated News