Marami ang nalungkot nang masunog ang makasaysayang Manila Central Post Office na nataon pa man din sa paggunita ng National Heritage Month. Dahil dito, may mga napaisip kung papaano nga ba pinapangalagaan ng bansa ang istrukturang maituturing pamana ng kasaysayan, gaya ng isang panciteria sa Maynila na nabanggit umano sa nobelang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing tumagal ng 30 oras bago naideklara ng mga bumbero na fireout na ang sunog sa Manila Central Post Office, na unang itinayo noong 1926.
Ang neoclassical design ng gusali, gawa ng mga arkitekto na sina Tomás Mapúa, Ralph Doane, at Natonal Artist na si Juan M. Arellano.
Noong World War II, kabilang ang Manila Central Post Office sa mga gusali na napinsala dahil sa pambobomba. Pero may natirang bahagi nito at nagawang mai-restore sa dati nitong hitsura hanggang nasunog na kamakailan.
Sinasabing 90 porsiyento ng gusali ang natupok ng apoy, at aalamin kung maaari pa itong maibalik sa dati nitong hitsura.
Pero bukod sa Manila Central Post Office, may iba pang mga makasaysayang gusali o istruktura na makikita sa Maynila.
Kabilang dito ang isang lumang bahay kung saan isinilang si Heneral Antonio Luna, ang isang gusali na tanyag noon na El Hogar sa Binondo, at ang panciteria na nabanggit umano sa nobela ni Jose Rizal na El Filibusterismo.
Papaano nga ba mapapangalagaan ang mga makasaysayang istruktura sa ating bansa na pamana sa ating bayan? Panoorin ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News