Trahedya ang sinapit ng limang magkakapatid na kumain ng kamoteng-kahoy at palaka na kung tawagin ay "paki," o cane toad. Ang masaklap, dahil nasa liblib na lugar, inabot umano ng 20 oras bago nakarating ang tulong upang madala sa pagamutan ang mga biktima.
Dahil walang makain nang umalis ang kanilang mga magulang, kumain ang limang magkakapatid Dipolog City, Zambonga del Norte, ng kamoteng-kahoy at palaka na kung tawagin ay "paki," o cane toad.
Sa magkakapatid na nalason, tanging ang bunso na si Earney, 4-anyos, ang nasawi. Nakaligtas naman sina Angelito, 13-anyos; Tito Jr., 12; at sina Adrian at Rea, 5.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng mga magulang ng mga bata na sina Tito Sr. at Flordeliza, na umalis silang mag-asawa nang umaga noong Mayo 9 at naiwan ang kanilang mga anak.
Pero pagbalik nila sa bahay, inabutan na nilang nagsusuka at lupaypay na ang kanilang mga anak.
Ayon kay Tito, sinabi ng kaniyang mga anak na sinubukan lang ng mga bata na ulamin ang palaka.
Pinakain nila ng asukal at pinainom ng gata ng niyog ang mga bata sa pag-asang matigil ang pagkalat ng lason.
Dahil sa liblib o malayo ang lugar na tinitirhan ng pamilya, inabot pa raw ng 20 oras bago may dumating na tulong upang madala sa pagamutan ang magkakapatid.
Sa kasamaang-palad, hindi na kinaya ng katawan ng bunsong si Earney ang lason sa kaniyang katawan at binawian na ng buhay.
Ang kaniya namang mga kapatid, nakaligtas at nakalabas na ng ospital.
Itinuro ng magkakapatid kung saan nila nakita ang palaka na kanilang kinain.
Bagaman inalis daw nila ang lamang-loob ng palaka, ikinuwento ng mga bata na parte ito na hindi nila itinapon at kanilang kinain na pinaniniwalaang nakalason sa magkakapatid.
Alamin ang naturang parte ng katawan ng palaka na pinaniniwalaang nakalason sa magkakapatid, at tama bang pakainin ng asukal at painumin ng gata ng niyog ang taong nalason? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News