Dahil sa tumor sa pisngi, kinailangang alisin ang kanang mata at buto sa pisngi ni lola Rosita. Ang naturang operasyon, nag-iwan ng butas o uka sa kaniyang mukha.
Nobyembre noong nakaraang taon nang unang itampok ng ‘Reporter’s Notebook’ ang kalagayan 60-anyos na si Lola Rosita na naninirahan sa sidecar, habang nasa barung-barong naman ang kaniyang mga anak.
Dahil sa kahirapan, hindi na muling nakapagpatingin sa duktor si Rosita matapos maoperahan sa Philippine General Hospital, tatlong taon na ang nakalilipas.
Sa tulong ng programa, naipatingin sa ospital si Rosita, at nakabalik din sa PGH upang masuri ang kaniyang mukha kung may nagbalik na tumor lalo pa't nakararamdam daw siya ng kirot.
Naging maganda naman ang resulta ng pagsusuri dahil nakita na walang tumor na nagbalik.
Gayunman, upang mabigyan ng bagong mukha si Lola Rosita, kailangan siyang malagyan ng facial prosthesis para matakpan ang butas sa kaniyang mumkha.
Kailangan din niya ng pinasadyang postiso upang matakpan din ang uka sa kaniyang ngalangala para maisaayos ang kaniyang pagsasalita.
Pero malaking halaga ang kakailanganin para maibigay ito sa kaniya; Na sa kabutihang-palad ay may mga taong handang tumulong sa kaniya para matupad ang kaniyang pinapangarap na bagong mukha.
Tunghayan ang kuwento ni Lola Rosita, at ang kaniyang transpormasyon sa tulong ng mga taong may mabubuting kalooban. Panoorin.
--FRJ, GMA News